Hinikayat ang mga bagong mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na tumindig at kumilos para sa kanilang mga karapatan matapos ang talakayan sa estado ng edukasyon at pulitika sa bansa sa All Freshies’ Assembly sa CMC Auditorium ng Miyerkules.

Naging pangunahing usapin ang implementasyon ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ang Office of the Student Regent (OSR) ng UP System at Katipunan ng Sanggunian ng mga Mag-aaral sa UP (KSUP) na siyang nag-organisa ng pagtitipon.

Ibinahagi ni Student Regent-select Ivy Joy Taroma ang nagpapatuloy na laban ng mga mag-aaral para sa libre at de-kalidad na edukasyon sa bansa, gayundin ang mga hadlang at suliranin sa pagkamit nito.

“Sa kasalakuyan, ang edukasyon ay binebenta, hindi binibigay,” ani Taroma. Kinundena niya ang ika niya’y komersyalisado, kolonyal at pasistang oryentasyon ng edukasyon na siyang hayag sa Return Service System, Socialized Tuition System, at K-12 Curriculum.

Isinulong din ni Taroma ang pagkakaroon ng ‘nationalistic, scientific, and mass-oriented education’ na dapat na mayroon sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas.

Ayon naman kay Anakbayan – UP Diliman Chairperson Nickolo Domingo, malinaw ang lumalalang kalagayang politikal ng bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte, sa kanyang pagpapatupad ng martial law sa Mindanao at Oplan Tokhang.

Aniya, may papel ang kabataan sa pagpapabagsak ng pasismo sa bansa, dahil ang kabataan ay may bukas na pag-iisip at may kakayahan sa pagkilos.

Dagdag sa mga natalakay sa naturang pagtitipon ang mga isyu sa loob ng pamantasan tulad ng freshman recruitment ban na pumipigil sa karapatan sa pag-oorganisa, at pagtalakay sa pambansang demokratikong pakikibaka bilang pagkilos ng kabataan, na naglalayong isulong ang karapatang dapat natatamasa ng mga mamamayan.

“Sana ay mamulat yung mga freshies sa kung ano ang kinakaharap natin sa loob at labas ng unibersidad, kasi isa ‘yun sa mga unang hakbang para sa tunay na paglaban para sa ating mga demokratikong karapatan,” ani Taroma.

Pinalinaw na Perspektibo

Ayon sa ilang estudyanteng dumalo sa pagtitipon, naging malaman ang talakayan dahil sa kanilang aktibong pakikilahok.

“I should think about joining these kind of mass activities, standing up for certain issues,” pahayag ni Rem Baron Miles Domingo, estudyante ng BS Physics sa Kolehiyo ng Agham.

Naging mahalaga naman kay Sarah Danielle Magnaye ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ang pagdalo sa mga ganitong programa upang magkaroon ng kalinawan sa mga nagaganap sa loob at labas ng pamantasan.

“Syempre, mahalaga pa rin na um-attend tayo sa ganitong mga event para di lang yung mga naririnig natin yung naiisip natin na nangyayari,” paliwanag ng naturang mag-aaral ng BA Creative Writing.

Dagdag pa niya, mas nasusuri ang mga impormasyong nababasa sa Internet sa pagdalo sa mga ganitong talakayan.

Naging daan din ito kay Mecco Carl Niño Camense ng Kolehiyo ng Inhenyeriya upang magkaroon ng kalinawan sa mga dati niyang pananaw at madagdagan ang kanyang kaalaman.

“I will do information drives sa kung ano ba talaga ang UP,” aniya.

Susunod sa programang ito ang All Orgs’ Assembly na gaganapin bukas ng ika-apat ng hapon

%d bloggers like this: