Buksan ang telebisyon, basahin ang mga dyaryo— nagtataasan ang mga presyo, nagkakatanggalan sa trabaho, nagsasara ang mga pahayagan. Pakinggan ang mga bulong sa bahay, ang mga kuro-kuro at tsismisan— maraming pinapatay na magsasaka, binubusalan ang mga lumalaban. May diktador daw sa Malacañang.

Dumodoble ang mga pangyayari, umuulit ang mga kaganapan. Silipin ang kalendaryo; 2018— halos 50 taon na ang lumipas noong sinupil ang diktaduryang Marcos ang bansa at magkakamukha ang mga eksena, tila kinuha sa iisang dula–ganito sila noon, ganito pa rin ngayon.

Halos isang taon pa lamang ang lumipas mula nang umupo ang bagong presidente at anim na peryodista na ang naitalang pinatay. Ang mga insidenteng ito ay may basbas mismo mula sa kanya. Aniya, ito’y karapat-dapat lamang dahil ang mga pinaslang naman ay “corrupt.”

Mailap rin ang presidente sa pagpapapasok ng midya sa kanyang mga press conference. Kung may nasabi man siyang mali, kahit naibalita na ay kaya pa rin niya itong bali-baligtarin upang mapaniwala ang kanyang mga tagasuporta.

Kasabay nito ang patuloy na pagguho ng tiwala ng mga mamamayan sa mga alagad ng midya. Ang mga peryodista na pilit tumututol sa presidente ay patuloy na pinagbabantaan, hindi lang ang kanilang mga trabaho kundi pati na rin ang kanilang mga buhay.

Sa gitna ng kabi-kabilang atake ng gobyerno, nitong nakaraang linggo lamang ay mahigit kumulang 60 manggagawa mula sa CNN Philippines ang nawalan ng trabaho. Karamihan sa mga ito ay matagal na sa serbisyo—mga alagad ng midya na pilit inilalagay ang kanilang buhay sa panganib para sa paghahanap at paglalahad ng katotohanan.

Sumunod naman rito ang desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi bigyan ng lisensya ang Rappler para mag-operate, sa kadahilanang nilabag raw nila ang Konstitusyon. Hindi raw nararapat na makapaghayag ang Rappler dahil hawak daw ito ng mga dayuhang kumpanya. Isa rin ang Rappler sa mga diumano’y kritiko ng gobyerno, kaya talamak rin ang siyang kagustuhan ng mga nasa pwesto at ang kanilang mga tagasuporta na ipasara ang ahensya.

Maging ang mga mamamahayag sa radyo ay hindi nakaligtas. Mahigit 30 estasyon ng radyo sa probinsyang pinanggalingan ng pangulo ang nais ipasara ng National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa diumanong “kawalan ng permit”.

Malinaw man na atake sa malayang pamamahayag ang mga ito, ginamit pa ito ng Kongreso upang maghain ng pagbabago sa Konstitusyon mismo–iginigiit nila na ang kalayaan sa pananalita ay hindi isang karapatan, ngunit isang pribilehiyo ng isang demokratikong bansa.

Para sa gobyerno, ang mga alagad ng midya na ginagawa lamang ang kanilang mandato ay “mapang-abuso” at nararapat lamang na limitahan.

Sa Kolehiyo ng Panmadlang Komunikasyon, hindi kakaiba ang mga pasistang atake sa hanay ng mga estudyante. Kamakailan lamang, nasaksihan ng mga alagad ng midya ang iba’t ibang represibong polisiyang biglaang inimplementa noong kasagsagan ng panawagan sa pagpapabasura ng FSRC manual at sa kampanya para sa libreng edukasyon. Nananatiling sarado sa mga organisasyon ang abot-kaya o libreng paggamit ng mga pasilidad sa loob ng kolehiyo.

Ilang beses na ring tumanggi ang administrasyon sa pagsagot ng mga katanungan at hinaing ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagsasara ng comments section sa ilang posts sa Facebook at pagblock sa ilang mga estudyante.

Nakapanlulumong mismong ang kolehiyong tagapagbandila diumano ng midyang malaya’t mapagpalaya ay isa ring institusyong gumigipit sa kanilang mga estudyante. Ikinundena ng Departamento ng Peryodismo ang mga naging atake sa midya, ngunit nakabibingi pa rin ang katahimikan ng administrasyon ng CMC pagdating sa mga atake sa mga pahayagan, maski sa mga atake sa mga mamamayan.

Sa pagpasok ng bagong tao’y sunud-sunod ang mga atake ng administrasyong Duterte laban sa sambayanang Pilipino. Minadali ang pagpasa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, isang panukalang pumeprente para raw sa kaginhawaan ng mga manggagawang may mabababang sweldo, ngunit kasabay naman ng malwakang pagtaas ng mga bilihin.

Isa ring atake sa mamamayan ang Jeepney Phaseout, na sinasabing para sa pagpapabuti ng kalikasan ngunit nilalagay lamang nito sa alanganin ang kabuhayan ng libong mga drayber at operator, maski ang mga commuter na sasalo ng mataas na pamasahe. Ang tunay na pinaglilingkuran ng ganitong mga patakaran ay ang naghaharing uri, na siyang kakamal ng kita sa pagbenta ng mga e-jeepney.

Kung ipagtatabi ang mga pangyayari noon sa ngayon, tila’y ‘di maaninag ang pagkakaiba. Dekada na ang lumipas pero marami pa rin ang naghihirap, talamak pa rin ang paglabag sa karapatang pantao. Ilang presidente na ang nagdaan, pero negosyo pa rin ang serbisyong panlipunan, ipinagkakait pa rin ang mga batayang karapatan.

Halos 14,000 maralita na namatay sa ilalim ng unang taon ng Oplan Tokhang ni Duterte— liban pa riyan ang nangamatay na alagad ng midya, magsasaka’t pambansang minorya sa kanayunan, at mga progresibong pwersang pinaslang sa kanilang paglaban.

Sa kabila ng magkamukhang karahasan sa ilalim ni Marcos at Duterte, maasahan ng rehimen ni Digong na lalakas din ang daluyong ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Dahil walang binubunga ang krisis ng lipunan kundi paglaban, handa ang sambayanan tapatan ang lahat ng atakeng ilulunsad ng estado.

Hamon sa ating mga alagad ng midya na walang pagod magsiwalat ng katotohanan sa harap ng kabi-kabilang banta sa ating kalayaan sa pamamahayag. Ngunit hindi natatapos ang laban sa huling tuldok ng storya, o sa huling pagkurap ng lente— hindi ang pluma at kamera ang huling mga armas na ating dapat tanganan.

Dahil sa pagkilos lamang, sa pagsandig sa malawak na hanay ng sambayanan, doon natin makakamit ang ating tunay na kalayaan— kalayaang labas pa sa malayang pamamahayag, ngunit kalayaan din mula sa pagkalugmok sa kahirapa’t karahasan buhat ng interes ng mga naghaharing uri.

Hamon sa atin na laksa-laksang tumungo sa lansangan, kalampagin ang mga kalsada, dinggin ang hinaing ng masa. Tayo’y tumindig kasama sila ‘di lamang bilang alagad ng midyang buhat ang katotohanan, ngunit bilang parte rin ng sambayanang sawa na mapagsamantalahan.

Buksan ang telebisyon, basahin ang mga dyaryo— libo ang nasa lansangan, panawagan ay hustisyang panlipunan. Lumabas sa mga bahay, iwan ang mga silid-aralan— dinggin ang sigaw sa kalsada, harapin ng buong tapang ang kaaway. Babagsak ang diktador ng Malacañang.

Dumodoble ang mga pangyayari, umuulit ang mga kaganapan. Markahan ang kalendaryo; 2018— halos 40 taon nang lumipas nang mapabagsak ang diktaduryang Marcos. Magkakamukha ang eksena, tila kinuha sa iisang dula— lumaban sila noon, lalaban din tayo ngayon.

 

%d bloggers like this: