Labindalawang dekadang di umano’y malaya, araw-araw nakatanikala.

Taon-taon, ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Dito sinasariwa ang kabayanihan na nagpalaya sa bawat Pilipino mula sa mga dayuhang mananakop. Dito ginugunita ang mga taong nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa.

Ngunit isinasantabi naman ang milyon-milyong Pilipinong patuloy na ikinukulong at pinahihirapan ng isang mapang-abusong sistemang pinatatakbo ng iilang nasa kapangyarihan. Sa bawat araw na nagdaraan ay tila nililimot ang libo-libong pinatahimik at kinitilan ng buhay. Ang kanilang krimen? Paglaban para sa kanilang mga karapatan – para mabuhay, maghanap-buhay, at mamuhay nang may dignidad.

Ilang daang taon na ang nakalipas pero walang pinag-iba ang kalagayan ng buhay sa bansa. Malayo pa sa inaasam na kalayaan ang mga maralita, mga manggagawa, mangingisda, magsasaka, at iba pang mga sektor ng lipunan.

Dekada nang sinasaka ng mga miyembro ng Katipunan ng Lehitimong Magsasaka at Mamamayan (KASAMA-LR) sa Lupang Ramos ang 370 ektarya ng Lupang Ramos ngunit bala ang isinukli sa kanila ng mga armadong kalalakihan noong gabi ng Hunyo 4.

Dalawang araw bago ang pamamaril, tumungo ang umano’y mga ahente na sina Nelson Pangilinan at Rudy Herrera kasama ang aabot sa 40 tauhang may dalang mga bolo at patpat upang itaboy ang mga magsasaka. Nauwi ito sa kaguluhan na ikinasugat ng dalawang miyembro ng KASAMA-LR.

Hindi rin naiiba ang kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino lalo na sa mga pinag-aagawang katubigan sa paligid ng Pilipinas.

Noon lamang Hunyo 7, iniulat ang pinakabagong panggigipit ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang pumalaot sa Bajo de Masinloc sa Zambales. Nilapitan at walang pakundangang sumampa ang mga miyembro ng bantay-dagat ng Tsina sa bangkang lulan ang mga Pilipino at pinagkukuha ang kanilang mga huling isda.

Ngunit imbes na ipagtanggol ang mga inaping mangingisdang Pilipino, ang tanging tugon ng pamahalaan ay kanila pang tinitiyak ang mga ulat ng panggipit ng Tsina. Humihingi pa umano sila ng salaysay mula sa mga nasabing mangingisda ukol sa insidenteng nakuhanan ng video ng GMA reporter na si Jun Veneracion.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagka-engkwentro ang mga Pilipino at mga Tsino sa mga pinagtatalunang bahagi ng karagatan. Hindi rin ito ang unang beses na nagkibit-balikat ang administrasyong Duterte sa kawalang-hiyaang ginagawa ng Tsina.

Marahil hindi pa ito ang huli.

Matagal na ring nakararanas ng hindi makatarungang pagtrato ang mga ordinaryong manggagawa sa iba’t ibang pabrika at pagawaan.

Noong nakaraang buwan, dalawang manggagawa na naman ang namatay at dalawa ang nasugatan matapos mahulog mula sa scaffolding sa loob ng pagawaan ng barko ng Hanjin Heavy Industries Corp. – Philippines sa Subic, Zambales.

Dahil sa insidente at nakitang mga paglabag, pinatawan ng stoppage order ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang korporasyong pagmamay-ari ng mga Koryano. Hindi ito ang unang beses na may namatay sa pagawaan ng Hanjin sa Subic mula ito’y binuksan noong 2006. Sa katunayan, ika-39 at 40 na ang mga pinakabagong biktima ng kapabayaan at pagsasawalang-bahala sa kaligtasan.

Bukod pa sa pagsasantabi ng kaligtasan ng mga manggagawa, dahas ang isinasagot ng mga korporasyon at ng estado sa panawagan nila para sa kanilang mga karapatan.

Sinasabing tinanggal sa trabaho ang nasa 50 tauhan ng NutriAsia sa Bulacan dahil sa pagsama sa isang “clapping protest” laban sa pagpapaalis sa mga lider ng unyon ng mga manggagawa. Ipinarating din nila ang kanilang mga hinaing hinggil sa hindi tamang pasahod, sobra-sobrang oras ng paggawa, at hindi ligtas na pinagtatrabahuhan.

Maliban sa hiling na gawin silang regular at makatanggap ng kumpleto at wastong benepisyo, gusto rin ng mga manggagawa ng NutriAsia na kilalanin ng pamunuan ang kanilang mga unyon at ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na trabahador.

Imbis na tugunan ito, sinubukan pa ng mga pulis na buwagin ang kanilang hanay. Sinalubong sila ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan at Special Weapons and Tactics (SWAT) na nakahimpil sa loob ng NutriAsia, na isang paglabag sa guidelines ng DOLE at National Police Commission sa tamang kondukta ng mga pulis at guwardiya tuwing may protesta, piket, o anumang alitang may kinalaman sa trabaho.

Patunay lamang ito na tikom ang bibig ng gobyerno. Imbis na pagsilbihan ang mamamayan ay tila mga tau-tauhan ng mga kapitalista at mga naglalakihang korporasyon na nasa likod ng pananamantala at pang-aalipusta sa mga mahihirap at mga uring manggagawa.

Higit pa rito, tuloy-tuloy pa rin ang banta ng karahasan at militarisasyon sa mga paaralan ng mga Lumad. Patuloy pa rin ang panggigipit sa mga guro at ang ilan ay nagbuwis na ng buhay para makamtan ng mga kabataan sa kanayunan ang kanilang karapatan sa edukasyon.

Patuloy pa rin ang pananamantala ng mga armadong tauhan ng gobyerno kasunod ng pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao at sa pagbabadyang pagpapaloob sa buong bansa sa pamumuno ng isang diktador– isang pangulong nagbantang bombahin ang eskuwelahan ng mga katutubo.

Nasaan nga ba ang kalayaan kung hinahadlangan ng ating sariling pamahalaan ang mga estudyante sa kanilang karapatang makatanggap ng edukasyon? Ninakawan ang higit sa 1,300 estudyante sa pagsasara ng 30 paaralang Lumad sa nakaraang taon.

Hindi pa rin nawawakasan ang kaliwa’t kanang alingawngaw ng baril sa paglalim ng gabi na mula sa mga otoridad na nagpapatupad ng Oplan Tokhang. Patuloy pa rin ang pagdanak ng dugo sa lansangan sa pagsapit ng dilim. Ngunit walang nababanaagang liwanag ng hustisya ang kanilang mga naiwang pamilya.

Nito lamang Linggo, isa na namang pari ang pinatay habang naghahanda para sa misa sa Nueva Ecija. Siya na ang ikatlong alagad ng Simbahan na pinatay mula Disyembre 2017.

Kasapi ang mga pari at mga madre sa mariing kumokondena at tumutuligsa sa madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga. Sila ang kasama ng mga pamilya ng mga biktima ng Oplan Tokhang sa walang tigil na paglaban at paghingi ng hustisya. Ngayon, sila mismo ang pinagdaramutan nito.

Kung titignan ang pambubusabos at panggigipit sa masang Pilipino ngayong Hunyo pa lamang, tila isang kabalintunaan na ngayong buwan natin inaalala ang Araw ng Kalayaan.

Ipinagdiriwang ang kalayaan pero isinasantabi ang karapatan ng mga taong kumakayod para sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino. Pinapahalagahan ang kasarinlan pero patuloy na dinarahas at inaalipusta ang masang ninanais lamang ay maghanap-buhay at mabuhay.

Ibalik ang tunay na kahulugan ng kalayaan para sa lahat ng binusalan at pinatahimik, para sa lahat ng pinatay nang walang kalaban-laban, para sa lahat ng Pilipinong nais lamang ang nararapat para sa kanila.

Hindi tayo magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan. Tayo ay hindi pasisiil. Tuloy pa rin ang pakikibaka.

%d bloggers like this: